Liham Para sa Aming Sinta,
Mapula ang langit
Tila nababalot ng galit
Nagbabadya ng malakas na pag-ulan
Matinding pagbabalik tanaw sa nakaraan
Walang humpay ang pagkumpas
Ng pilit nililimot na nakalipas
Kailan ba matatapos
Ang kanyang paghihikahos?
Isang dalagang nagising
Mula sa matagal na pagkakahimbing
Umiiyak
Sa putikan, nakasadlak
Tinangay, ginahasa
Ng mga putanginang dayuhan
Na puno ng pagnanasa
Sa kamusmusan at kayamanan
Tinangay ang kanyang pag-asa,
Na muling masilayan
Ang liwanag pagkatapos ng ulan
Huwag kang mag-alala,
Aming sinta
Hindi nahihimbing ang masa
Indahin muna ang sugat
Tiisin ang tubig na maalat
Di magtatagal
Aalis din sa daang masukal
At doon masisilayan
Ang pinagkait na kasarinlan
Sa dulo ay may bahaghari
Makikitang muli
Ang ninakaw na puri
Kaunting oras pa
Paumanhin aming sinta
Pangakong ibabalik muli
Ang sinira, tinapakan, niyurakan
Nilapastanganan mong pagkatao
Matatapos rin
Ang gabi-gabing pagpalahaw
Sisikat din ang araw
Kaya muli pa,
Pilipinas naming mahal
Muli pa ay umasa ka
Na titindig ang bayan
Para sa iyong kalayaan
Nagmamahal,
Taong bayan
0 comments