Pluma

by - 2:34 PM



Sa buhay ko, pluma ang aking kasangga sa lahat ng mga bagay at mga pangyayari na di ko inaakalang malampasan.
Ano nga ba ang pluma? Sa pinakamadaling pagpapaliwanag, ang pluma ay isang gamit panulat. Ginagamit natin sa pagpapahayag ng ating mga damdamin. Ito’y mumunti ngunit higit pa ang talas sa isang punyal. Ang simpleng bagay na ito ay nakagagawa ng kasaysayan at mismong ito ay may pinagmulan. Noon ay hindi pa ganoon kamoderno ang panahon kaya’t ang pinaka-unang gamit na panulat ay balahibo ng ibon. Ni minsan ay sumagi na ba sa inyong mga isipan ang katanungang, bakit balahibo at hindi kahoy ang unang ginamit na panulat? Bakit itim ang tinta ng pluma? Bakit patusok ang dulo nito? Bakit nga ba?
Pluma – mula sa salitang inggles na plume na ang ibig sabihin ay balahibo. Balahibong nagmula sa pakpak ng mga ibon ang ginamit na panulat noon. Hindi ba’t ang pakpak ay ginagamit sa paglipad? Tulad ng mga ibon, ang pluma ay ginamitan ng balahibo upang tayo’y mangarap nang matayog at magsikap upang sa paghawak natin sa ating pluma ay makamit din natin ang lahat ng ating mga mithiin. Gaano man kataas ang ating pangarap, tayo’y matututong abutin ito at balang araw ay mamamayagpag din tayo tulad ng mga ibon sa himpapawid.
Itim ang tinta ng pluma. Hindi ito kulay kundi kawalan ng liwanag. Naisip ba natin na kaya tayo nagsusulat sa isang malinis at puting papel ay upang punan ang malaking espasyo ng liwanag at itatak ang ating mga katha na guguhit ng isang kasaysayan? Madilim man sa paningin, ito’y magniningning din sa tamang lugar, panahon, at pagkakataon.
Ang punyal ay hindi makakahiwa kung hindi ito hasa. Walang epekto ang kanyon kung ito’y mapurol at hindi rin matulis. Gaya na lamang ng pluma, ito ay dinisenyo at hinubog na patulis upang bawat letrang iguguhit ay tumatak di lamang sa papel, kundi para magmarka rin sa ating mga isipan ang tunay na kahalagahan ng mga isinulat.
Ano mang ating sabihin ay mabubura ng tamang panahon, ngunit ang lahat nang naisatitik na sa kahapon ay hindi na kailanman pa mabubura at kapag dinaluyan ng tubig upang sapilitang tanggalin ang nakatala, ito’y magmamantsa, gagawa ng peklat sa kasaysayan, at hindi na kailanman maibabaon sa limot ang pahina ng kahapon.
Dahil dito ay natuto akong makuntento at magpasalamat sa biyaya ng Maykapal sa akin. Ang pluma, para ating gamitin at tangkilikin, kinakailangang patok sa masa, maganda ang tinta, at tumatagal na panulat. Natatandaan ko, nung ako’y nasa elementarya pa lamang, mahilig akong magkathang isip. Gusto ko nito, gusto ko niyan. Mapili ako, kung baga. At heto na nga, dumating sa punto na usapang hayskul na ang pang araw-araw na usapan namin ng aking mga kaibigan. Nakatalaga ako noong mag-aral sa isang pribadong paaralan, kilala at rekomendado ng aking guro. Ni hindi nga sumagi sa akin na mag-aaral ako sa pampublikong paaralan. Subalit nasubok ako at ang aking pamilya. Nagkaroon ng kakapusang pinansyal at kinailangan kong magsakripisyo. Ayaw ko man na pumasok dito ay wala akong magagawa. Takot ako noon sa pagpasok sa Kampo sapagkat batid ko na ibang mundo na naman ito, mas mataas na antas at talagang malayo sa aking kinagisnan.
Sa pagpasok ko dito ay napatunayan kong mali pala ako. Tulad ng pluma, naghahanap ako ng magandang klase, at dito ko pala iyon matatagpuan. Tinatangkilik ito ng marami dahil sa magandang klase ng edukasyon.
Hindi naman pala nasusukat ang edukasyon sa eskwelahan. Hindi mahalaga kung sa pampribado o pampublikong paaralan ka nag-aaral sapagkat nasa iyo pa rin kung paano mo pagyayamanin ang iyong kaalaman.
Sa tuwina’y hindi ko malimutan ang ngiting bumabakas sa aking mukha sa tuwing maaalala ko ang unang pagkakataon na tayo’y tumungtong sa mataas na paaralan ng Kampo Vicente Lim. Takot at tila mga batang musmos sapagkat heto na naman, panibagong mundo at iba’t-ibang tao ang makakasalamuha, may pangamba sa pagtataas ng kamay, at may alinlangan sa pagsagot sa katanungan ng guro. Ganito tayo noon. Ang mga munting tinig ay naiimpit at kulang na lamang ay itago ang sarili sa likod ng kuwaderno. Ngunit sa paglipas ng mga taon ay unti-unti na tayong namukadkad tulad ng mga halaman na ngayo’y malalaking puno na yumayabong. Konting dilig at alaga ay tayo’y lumago bilang isang responsableng indibidwal na nagbigay kulay sa pangalan ng ating paaralan. Naging bahagi tayo sa tagumpay at karangalan ng ating paaralan. Ang noo’y pagkabalisa na namayani sa ating kabataan, ngayo’y karunungan at katapangan na malaking ambag sa ating kasaysayan. Dito ay napatunayan natin na ang mga mag-aaral ay hindi lamang pang-akademiko, maging sa larangan ng sining at palakasan ay nangunguna din, ang lahat ng ito ay utang na loob natin sa ating mga pinagpipitagang guro na humubog sa ating kaalaman. Pinunan nila ang puwang sa ating pagkatao at nagsilbing pangalawang magulang sa ating lahat.
Dito nahubog ang ating pagkatao, isang nilalang na hindi takot harapin ang anumang pagsubok. Napatunayan natin na hindi hadlang ang kahirapan basta’t may pagsisikap,  pangarap, at pananalig sa Poong Lumikha. Maglingkod tayo sa paraang hindi natin tatapakan ang iba. Isang sibilisado at edukadong mamamayan na pagdating ng panahon ay tutulong sa pag-unlad ng ating bansa. Hindi natin hawak ang pag-ikot ng gulong ng ating buhay. Malay natin, ang susunod na mamumuno pala ay magmumula sa atin.
Narito tayong lahat ngayon, suot ang puting tela na sumasagisag sa ating katatagan at kahusayan. Nalampasan na natin ang isang yugto ng pakikibaka sa buhay mag-aaral. Salamat sa lahat na ating naging kaakibat sa hirap man o sa tagumpay. Sa mga taong nakisimpatya sa pag-ikot ng gulong ng buhay bilang isang estudyante. Kaalamang inihandog ng ating mga guro, espesyalisasyon sa bawat asignatura na kanilang pinaunlad, at tiwala sa sarili na kanilang pinagtibay. Hinulma nila tayo sa isang inidibidwal na may katatagan ng loob, paninindigan at takot sa Panginoong Diyos. Tayo’y naririto hindi lamang para ipagdiwang ang mga karangalang ating natamo. Sapagkat ang pagtatapos na ito ay hindi pa tuluyang ganap. Isa pa lamang itong yugto na ating ipagpapatuloy bilang hamon para sa isang landas na ating tatahakin. Narito tayo upang magsaya para sa tagumpay na kahit ilang beses tayong nakaranas ng dagok ay heto tayo, nagsisilbing inspirasyon at ilaw para sa kinabukasan. Dadalhin natin ito sa ating pag-alis ang karunungang nagmula sa ating mga guro at nawa’y sa paglipas ng panahon ay huwag nating kalimutang magbalik loob sa ating pinagmulan. Sapagkat wala tayo sa ating kinatatayuan ngayon kundi dahil sa kanila. Sabi nga ng aking guro, “Hindi mahalaga ang posisyong pinanghahawakan natin sa kasalukuyan. Sapagkat lahat ito ay lilipas din kung hindi natin ito pahahalagahan at gagamitin sa wasto. Ang tunay na batayan ay ang kahahantungan natin sa susunod na sampung taon.”
Sa aking mga kamag-aral, magsilbi nawang hamon sa ating lahat ito. Huwag tayong mapalagay sa kung anong natatamasa natin sa kasalukuyan sapagkat lahat ng ito ay lilipas din. Pagsikapan nating abutin ang ating mga pangarap at huwag kalilimutang manalig sa Panginoong Lumikha. Kung may iilan man na hindi sumasang-ayon sa atin, ipagdasal na lamang natin sila at isaisip kung ano ang tama. Ang mahalaga ay alam natin kung ano at saan ang tama. Manindigan tayo para sa ikabubuti at darating ang panahon na tayo’y magatatagumpay. Matuto tayong magbalik tanaw sa ating nakaraan, magpakumbaba, at tumanaw ng utang na loob sa lahat ng tumulong sa atin, lalo’t higit sa Poong Lumikha. Sikapin nating gawin ang lahat ng ating makakaya at ilang taon mula ngayon, tayo’y tiyak na magtatagumpay.
Huwag nating sayangin ang mga panahon na ipinagkaloob sa atin para lamang sa mga walang kwentang bagay tulad ng pagiging kontento sa pagiging isang tambay na lamang. Tayo’y may talino at kakayahan na dapat ipagmalaki, pagyamanin, at gamitin sa wasto.

Sa kapwa kong mga mag-aaral, mga kaibigan, mga magulang, mga guro, sating punong-guro, Bb. Olivia S. Peduche, at higit sa lahat, sa ating panauhing pandangal, Police Senior Inspector Grace M. Yerno- Naparato, isang maganda at pinagpalang umaga po sa inyong lahat.

You May Also Like

2 comments

  • 21
    2
  • 2573
    2
  • 930
    2
  • 2260
    16
  • 418
    0
  • 3009
    2